NABUNYAG ang umano’y ilang kweba, swimming pool at mga luxury cars sa loob ng Philippine Offshore Gaming Operators (Pogo) hub na sinasabing ginagamit sa illegal na aktibidad ng mga scammer sa Bamban, Tarlac.
Sa report ni Saleema Refran ng 24 Oras, nabunyag na ang 10-hectare Zun Yuan Technology complex na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi lamang opisina at dormitory ang naroroon.
Mayroon ding villas na nakareserba sa mga matataas na opisyal gayundin ang VIPs at isang olympic-sized swimming pool.
Maliban umano sa scam, naikukubli rin ang human trafficking at illegal detention.
Nakita rin ang ilang mga kweba na tumatagos palabas ng compound.
Sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio na ang kweba ay ginagamit upang makatakas ang mga suspect sakaling magkaroon ng raid sa lugar.
“Posible kasi na yung mga nakatakas ay dumaan po sa underground tunnels. Mayroon kasing open na mga gates doon sa ibang tunnels pwedeng doon sila nagtakasan,” ayon kay Casio.
Sa loob ng villa ay mayroong mamahaling appliances gayundin ang safety vaults sa ilang mga kwarto.
Sa labas ay nakaparada ang ilang SUVs at luxury cars. Ang compound ay nasa tabi lamang ng Bamban Municipal Hall.
Sinabi ni Casio na dapat ay naging mapanuri ang Bamban town officials nang payagang ipatayo ang amusement at gaming hub noong 2020.
“Lahat po ng POGO, lahat ng (internet gaming license) operators kinakailangan po magkaroon niyan ng Letter of No Objection galing sa city council. Dapat bago nag release ng LONO yung munisipyo dinouble, di lang double, triple o quadruple check kasi nga nakita natin yung mga ebidensya ng scamming dito sa loob,” ayon pa kay Casio.
DOJ pasok sa imbestigasyon
Pasok na rin ang Department of Justice sa pag-iimbestiga sa kaso.
Nabatid pa na bago ang pagsalakay ngayong Marso, sinalakay na rin ang compound noong Pebrero ngayong taon dahil sa alegasyon ng cryptocurrency scam sa ilalim ng Hongsheng Gaming technology.
Gwardiyado rin ang lugar ng mga armadong police personnel ngayon habang isinasagawa ang search and investigation sa kaso.
Nasa 300 dayuhan ang inaresto sa loob ng Pogo at dinala na sa Pasay City.
