PATAY ang isang transgender woman matapos itong sakalin at bugbugin ng kanyang kainuman sa Barangay Pineda, Pasig City.
Si Danilo Casimiro, alyas Shaina Nazareth, 30, ay namatay tatlong araw matapos itong ma-confine sa ospital.
Ayon sa report, nag-inuman ang biktima at dalawang kaibigang lalaki noong March 3 sa bahay ng kaibigan sa Barangay Pineda.
Sa gitna ng masayang inuman ay sinabihan umano ng biktima ang isa sa mga suspect na si Rodrod na pangit ito. Dito ay nagpinting ang tenga ng suspect at agad na pinagsisipa ang biktima. Ang isa pang kainuman na si alyas Eman ang umano’y sumakal dito.
Kinabukasan ay nakauwi pa umano ang biktima na puro bugbog na ang katawan.
Sinabi ng ina ng biktima na hindi sinabi ni Casimiro ang tunay na nangyari at sinabing nadulas lamang siya.
Gayunman, patuloy na lumala ang kondisyon ang biktima dahilan para dalhin na ito sa ospital.
Sa ikatlong araw ay tuluyang nang binawian ng buhay ang biktima dahil sa pamumuo ng dugo sa ulo.
Arestado naman si Rodrod at kalaunan ay si Eman.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang dalawa.
