CAMP VICENTE LIM, Calamba City, Laguna – Dinakip ng awtoridad ang tatlong drug suspek sa magkakahiwalay na operasyon ng Laguna Police National Police matapos mahulihan na nagbebenta ng illegal na droga.
Sa ulat ni Laguna Police Acting Provincial Director PCol. Rogarth Campo kay Regional Director PBGen.Eliseo Cruz, natukoy ang mag-asawang suspek na sina Jose Avelino Lacanlele, 51, at Imelda Lacanlele, 48, ng Barangay 3 Calamba City na huli sa buy-bust operation nang maaktuhang nagbebenta ng illegal na droga sa isang poseur buyer kapalit ang halagang P500 sa Lazaro Compound, Barangay 3, Calamba City kamakalawa ng hapon.
Kumpiskado ang apat na plastic sachet na may bigat na 2 gramo na nagkakahalagang P13,600, coin purse at isang P500 buy-bust money.
Sa hiwalay na operasyon naman ng Liliw Municipal Police Station arestado si Melvin Villamor, 35, isang welder na residente ng 1B, San Pablo City matapos isagawa ang buy-bust operation sa Barangay Culoy, Liliw Laguna, kapalit ang P500.
Narekober ang dalawang small plastic sachet na hinihinalang shabu, tatlong tig P100 drug money at isang leather coin purse.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive DangerousDrugs Act of 2002 habang ang mga ebidensya ay dadalhin sa Crime Laboratory Office upang siyasatin.
