PAPAGITNA na si Interior Secretary Benhur Abalos sa hidwaan sa pagitan ng Taguig at Makati kung saan ang Makati Park and Garden ang pinag-aagawan ng dalawang lungsod.
Sinabi ni Abalos na kakausapin niya si Taguig Mayor Lani Cayetano at Makati Mayor Abby Binay upang pag-usapan ang kanilang posisyon matapos umigting ang tension sa pagitan ng dalawang siyudad.
Iniutos ng Taguig na isara ang parke. “I hope to engage in discussions with the mayors to clarify the issues and further shed light on their respective positions on the matter,” sabi ni Abalos sa kalatas.
Sinabi rin ni Abalos na ang prayoridad niya ay tiyakin ang kaligtasan at kaayusan kasabay ng pag-utos sa mga pinuno ng National Capital Region Police Office at Southern Police District na tiyakin ang seguridad ng Makati Park and Garden.
Itinalaga rin ang PNP platoon para sa karagdagang puwersa.
Inaasahan din ni Abalos na matatapos ang hindi pagkakasundo ng dalawang lungsod sa parke.
“Both mayors have good intentions, with the best interest of their constituencies in mind. In any case, regardless of this dispute, our overriding goal is that public services shall remain unhampered,” ayon pa sa kalatas ni Abalos.
Noong Linggo ay iniutos ng Taguig na pansamantalang isara ang Makati Park and Garden dahil sa kawalan umano ng mayor’s permit.
Ang parke ay nasa isa sa EMBO barangays na itinakda ng Supreme Court sa ilalim ng Taguig City at hindi sa Makati City.
