Courtesy: Yancy Lim
Ni Jet D. Antolin
(SIDEBAR)
HINDI sinang-ayunan ni Rodaliza Baltazar, ina ng napaslang na si Jerhode ‘Jemboy’ Baltazar ang hatol na apat na taong pagkakulong sa pulis na nakapatay sa kanyang anak dahil sa mistaken identity.
Ito ay matapos ilabas ng Navotas regional trial court ang hatol kay Police Staff Sergeant Gerry Sabate Maliban na guilty sa homicide habang ang apat pa nitong kasama sa illegal discharge of firearm.
Absuwelto naman ang ikaanim na pulis.
“Siya po apat na taon lang siya makukulong. ‘Yung anak ko habang buhay ng wala. Pinagtulung-tulungan nila ‘yung anak kong barilin tapos ano? Ganun lang, makakalaya lang sila,” sabi ni Rodaliza sa ambush interview.
“Sana maramdaman nila yung nararamdamang ng pamilya ko ngayon, na sobrang sakit ng pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” ayon pa rito.
Sinabi pa nito na tila hindi binigyang halaga ang buhay ni Jemboy, 17, dahil isa lamang sa mga pulis ang nahatulan.
“Ano pa yung buhay ng anak ko ano lang, cheap parang aso lang o kaya pusa na ilang ano lang nila paghihirapan tapos parang wala silang ginawa? Parang nasaan po yung hustisya, yung katarungan para sa anak ko,” dagdag pa ng ina.
