Courtesy: Senate of the Philippines
PINAYAGAN ng Sandigan si Senador Jinggoy Estrada na hilingin ang agarang pag-dismis sa P183 milyong kaso ng korupsiyon na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Sa 10-pahinang resolusyon, pinahintulutan ng anti-graft court ngayong Lunes ang mosyon ni Estrada na maghain ng demurrer to evidence, ang apelang ginagamit para ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Nahaharap si Estrada na 11 kaso ng graft sa umano’y pagkuha ng P183 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund mula 2004 hanggang 2010 at inilipat sa mga kahina-hinalang non-government organizations na pag-aari ng negosyanteng si Janet Lim Napoles kapalit ng mga kickbacks.
Ang pork barrel na kailangang gamitin sa implementasyon ng mga proyekto ay sinabing ginamit sa pagpondo ng mga proyektong wala namang naumpisahan o peke.
Noong Enero ay pumabor kay Jinggoy ang Sandigan kung saan nalusutan nito ang plunder case ngunit hindi sa kasong direct bribery at two counts ng indirect bribery.
May hatol ang anti-grat court ng walo hanggang siyam na taon na pagkakulong sa direct bribery at hanggang tatlong taon naman sa indirect bribery na may temporary disqualification, temporary absolute disqualification, at perpetual special disqualification from the right of suffrage.
Inatasan din si Estrada na magbayad ng P3 milyong multa bukod pa sa pagkakulong.
