INIHAYAG ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na buong-puso ang kanyang suporta sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na buksang muli ang negosasyon na magbibigay-daan sa usapang pangkapayapaan sa mga grupong nakapaloob sa CPP-NDF-NPA.
“Ito ay isang matapang at mahalagang hakbang tungo sa layunin nating makamit ang isang mapayapa, nagkakaisa, at progresibong bansa. Bilang lider ng ating bansa, ipinakita ng ating Pangulo ang kahandaan na makinig sa mga hinaing ng mga kapatid nating rebelde at maghanap ng solusyon para tuluyan nang matuldukan ang lahat ng kaguluhan sa ating mga komunidad,” ayon sa Speaker.
Sinabi rin ni Romuladez na ikinagagalak niya ang pagiging bukas ng CPP-NDF-NPA na makipag-ugnayang muli sa pamahalaan at makipagtulungan para wakasan ang kahirapan at iba pang sakit ng lipunan na nagiging sanhi ng pag-aaklas.
“Batid namin na ang pagbabalik sa negosasyon ay hindi nangangahulugan ng tigil-putukan sa magkabilang panig. Simula lamang ito sa mahabang landas na lalakbayin natin tungo sa kapayapaan. Gayunpaman, umaasa ako na walang anumang kondisyon na magpapatigil sa usapang pangkapayapaan. Hindi dapat mawalan ng loob ang dalawang panig anuman ang balakid na haharapin nila sa negosasyon,” ayon sa kalatas na inilabas ng Kongreso.
Idinagdag pa ni Romualdez na ang tunay na kaunlaran ay makakamit kapag ang mga baril ay ginawang mga araro at traktora, kapag ang mga kamay na dating lumalaban ay nagkakaisa sa pagbuo ng ating bansa.
“Hinihikayat ko ang aking mga kapwa Pilipino na suportahan ang makasaysayang pagsisikap na ito. Ang paglalakbay patungo sa kapayapaan ay mahaba at masalimuot ngunit bawat hakbang ay isang hakbang palapit sa isang kinabukasan kung saan ang bawat Pilipino ay maaaring mabuhay nang may dignidad at kasaganaan. Maglakad tayo sa landas na ito nang magkakasama,” ayon pa kay Romualdez.
