
MATAGAL ding naging senador si Gregorio Honasan.
Natigil lamang siya noong matapos niya ang dalawang magkasunod na termino na umabot ng labingdalawang taon dahil iyan ang ipinag-uutos ng batas ukol sa termino ng senador.
Kung ‘di ako nagkakamali, dalawang beses natigil si Honasan sa pagiging senador dahil sa dikta ng dalawang magkasunod na termino.
Ngunit, hindi nawalan ng kapangyarihan si Honasan dahil nang matapos ang kanyang termino noong 2019 ay itinalaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DI CT).
Si Secretary Honasan na kilala sa palayaw na “Gringo” ay siyang unang kalihim ng DICT.
Napakaraming Pilipino ang nakaaalam na palpak ang DICT sa mandato nito sa teknolohiya ng impormasyon at telekomunikasyon habang si Honasan ang hepe ng DICT.
Milyun-milyong Pilipino ang nakakaalam na palpak ang DICT sa pagpapalawak at pagpapabilis ng koneksyon at saklaw ng internet sa Pilipinas.
Kaya, milyun-milyong Pilipino ang nakakaalam na inutil si Honasan sa pagpapaunlad ng internet connection sa bansa. Batay sa rekord na hawak ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Mary Grace Poe, 70 mbps ang bilis ng internet sa bansa.
Nangako ang DICT sa Senado na paaabutin nito sa 200 mbps ang bilis ng internest ngayong unang kwarter ng kasalukuyang taon.
Sa eleksyong magaganap sa Mayo 9, 2022 ay tumatakbong senador si Gringo Honasan.
Hindi maipagkakailang nawala na ang dating bangis ni Gringo dahil balitang-balitang milyun-milyong Pilipino ang banas na banas sa kanya.
Tingnan ninyo ang senatorial survey ng iba’t ibang kumpanya upang mapatunayan ninyong wala ang pangalan ni Honasan sa “top 12” na napupusuan ng mga Pilipino na gusto nilang maging senador.
Inutil kasi si Honasan sa larangan ng internet connection.
Aminin natin ang katotohanan na napakalapit ng puso ng mga Pilipino sa internet dahil gamit nila ito araw-araw. Pero, napakalayo sa puso nila si Honasan.
Si Honasan ay senador pa noon nang ipasa ng Senado ang panukalang batas na siyang naging ligal na batayan upang itatag ang DICT.
Ang pangunahing layunin ng DICT ay mabigyan ng pamahalaan pokus ang pagsulong, pag-unlad at pag-angat ng kalidad ng teknolohiya sa impormasyon at telekomunikasyon sa Pilipinas.
Subalit, sa unang panunugkulan n ni Honasan sa DICT ay nakagawa na ito ng matinding kasalanan.
Ito ay ang pagiging inutil sa internet. Kaya, maaaring hindi na manalo si Honasan sa pagkasenador , sapagkat ayaw na ayaw ng mga Pilipino ang inutil at palpak sa pagpapalakas at pagpapabilis ng internet sa Pilipinas.
