BINARIL ng isang estudyante ng St. Paul University sa Tuguegarao City ang babaeng kaklase nito matapos umanong mabasted sa panliligaw.
Agad namang isinuko ang suspect na si Kristian Rafael Ramos, third-year medical technology student matapos nitong saktan at barilin ang sinasabing nililigawan sa parking lot ng campus.
Gayunman, agad nakapagpiyansa ang suspect gayong frustrated murder ang kaso nito at paglabag pa sa gun ban na ipinatutupad ng Comelec.
Si Ramos ay anak umano ng maimpluwensiyang tao sa lalawigan.
Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) umano ang tatay nito habang isang abogado ang ina nito.
Nakuha sa sasakyan ng suspect ang mga bala at magazine ng ginamit nitong baril.
Ayon sa report, nagkaroon muna ng sagutan sa pagitan ng biktima at suspect habang nasa loob ng sasakyan ng biktima.
Nakita rin umanong sinasaktan ng suspect ang biktima at humingi ng tulong.
Gayunman, nagawa pa ring barilin ng suspect ang biktima sa harap ng ilang saksi sa parking lot.
