MALAYA na si dating senador Leila de Lima matapos sumailalim sa medical at physical examination sa Philippine National Police’s (PNP) headquarters sa Camp Crame.
Bago ang mandatory examination, binate ni de Lima ang media bandang alas-4:30 ng hapon.
“After six years, eight months, and 24 days, sweet, sweet freedom. Thank you, Lord,” sabi ni de Lima.
Nauna rito ay pinayagang makapagpiyansa ng Muntinlupa Regional Trial Court ang dating senador, ayon sa kanyng abogado na si Boni Tacardon.
Halos pitong taon nakulong si de Lima sa alegasyon sa droga na paulit-ulit naman nitong itinatanggi.
Tatlong kaso ng droga ang isinampa laban sa kanya. Dalawa na ang napawalang-sala habang isa na lamang ang natitira laban sa kanya.
Noong Pebrero 2021 ay unang napawalang-sala ang senador matapos na ibasura ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ang kaso laban sa kanya.
Muling ibinasura ng Muntinlupa RTC Branch 204 noong Mayo 12 ang kaso ni de lima gayundin sa dating aide na si Ronnie Dayan sa kasong may kaugnayan sa illegal drug trade.
Sinalubong si de Lima ng mga supporters at mga kaalyado sa pulitika sa kanyang paglaya.
