HINDI NA SQUATTER. Higit pa sa mamahaling regalo ang magkatuwang na inihandog ng Taytay LGU, DENR at PCUP sa mga residente ng Sitio Tapayan sa Barangay Sta. Ana Pagtitiyak ni Taytay Mayor Joric Gacula, patuloy na kakalingain ng lokal na pamahalaan ang mga mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga residente -- saariling bahay, hanapbuhay, kalusugan at maayos na pamayanan.
TAYTAY, Rizal – Higit pa sa asam na regalong karaniwang natatanggap sa panahon ng kapaskuhan ang magkatuwang na iginawad ng lokal na pamahalaan at mga ahensyang may mandatong kaugnay ng palupa at pabahay sa pagpapamahagi ng lupang kinatitirikan ng mga kabahayan sa Sitio Tapayan, Barangay Sta. Ana.
Sa isang kalatas, binigyang pagkilala ng mga residente ng Samahang Masigasig ng Sitio Tapayan Home Owners Association (SAMATHOA) sina Taytay Mayor Joric Gacula, Undersecretary Benny Antiporda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) chairman Alvin Feliciano sa inisyatibong mapasakanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay matapos ang 30 taong paghihintay.
Pagtitiyak naman ni Gacula, uumpisahan ang pamamahagi ng Original Certificate of Title (OCT) para sa dalawang ektaryang bahagi sa pagpasok ng buwan ng Enero, habang ang nalalabing tatlong ektarya naman ay isasalin sa mga aktuwal na nakaposisyon bago pa man matapos ang taong 2022.
Paalala pa ng alkalde, tanging processing fee ng mga titulo at payback taxes ang gagastusin ng mga benepisaryong miyembro ng SAMATHOA, sa kabila pa ng pagpapaunlad, pagpapaganda ng nasabing komunidad mula nang sila’y manirahan sa nasabing lugar may 30 taon na ang nakakaraan.
“Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng bawat mamamayan ng ating bayan na naging kasangga natin sa laban na ito na magkaroon ng sariling lupa na titirhan ng ating pamilya. Ang pangyayaring ito ay magmamarka sa ating kasaysayan,” ani Gacula sa kanyang Facebook post.
