KINONDENA ng OFW Party List ang brutal na pagpatay kay Mary Grace Santos sa bansang Jordan diumano ng isang menor de edad na suspect.
“Ang karumal-dumal na krimeng ito ay muling nagmumulat sa atin sa kapahamakang kinakaharap ng ating mga Overseas Filipino Workers sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa at ang pangangailangang bigyan ng ngipin ang mga polisiyang nagpoprotekta sa ating mga OFWs,” ayon kay Magsino sa kalatas.
“Ang OFW Party List ay nakikidalamhati sa pamilyang naiwan ni Mary Grace. Ngunit batid natin na hindi tuluyang maiibsan ng simpleng pakikiramay ang dinanas ni Mary Grace at ang pighating nararamdaman ng kanyang pamilya. Kaya’t ito’y matinding hamon sa ating pamahalaan na gumawa ng konkreto, komprehensibo, at pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na suliraning ito,” dagdag pa nito.
Hiningi rin ni Magsino ang buong pwersa ng gobyerno upang matiyak na makamit ang hustisya.
“Ang ating lakas bilang isang bayan at isang lahi ay dapat maramdaman ng mga banyaga sa ating pakikipaglaban para kay Mary Grace upang maparating ang mensahe na hindi uubra sa atin ang paglapastangan sa mga Pilipino,” pagtatapos ni Magsino.
