
TUNAY na hindi hadlang ang edad para maabot ang pangarap.
Sa edad na 52, nagtapos ng kanyang master’s degree in Public Administration sa Rizal Techology University si Remedios ‘Tata’ Manayon.
“Kaya talagang maabot ang pangarap kahit anong edad mo pa basta pursigido ka sa daan na tinatahak tungo sa tagumpay,” sabi ni Tata.
Dati siyang working student sa ilalim ng programa ng Barangay Mauway sa Mandaluyong noong 2016. Siya rin ang kauna-unang working student na sinuportahan ng kanilang barangay.
“Talagang hindi ko itinigil ang aking pag-aaral. Kahit ano pa ang mga tungkulin ko sa barangay at sa pamilya ko, sige lang… alam ko namang magbubunga ito ng mabuti para rin sa kanila,” sabi pa ni Tata.
Nagtapos si Tata sa STI College ng Bachelors of Science in Office Administration. Itinawid at tinapos ang kanyang master’s degree noong Agosto 29, 2023.
Nais ni Tata na magsilbi siyang inspirasyon sa mga tao, higit ang mga kabataan, na hindi hadlang ang edad o estado ng buhay para tuparin ang pangarap.
“Kung gusto, may paraan talaga. Maraming tutulong. Maraming malalapitan. At dahil pursigido, hindi malayong gawin ang imposible dahil alam mong sa dulo ay makakamit din ang tagumpay na mag-aangat sa iyong buhay at kinabukasan,” ayon pa kay Tata.
