Iniinspeksiyon ni Pangulong Duterte and pinsala ng bagyong Odette sa Surigao City, Dinagat Islands, at Maasin City sa Southern Leyte.

MATAPOS bayuhin ng bagyong Odette ang malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, nawindang ang lahat sa tinuran ng Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, wala ng pera ang gobyerno para ipangtugon sa mga nasalanta ng delubyo.
Taliwas naman sa sinabi ng Pangulo, mayroon pondo sa delubyo ayon mismo sa Department of Budget and Management (DBM).
Hindi barya kundi P12 bilyong standby fund na sadyang inilaan para sa mga kalamidad tulad ng hagupit ng bagyong bumayo sa malaking bahagi ng bansa nito lamang nakaraang linggo. Gayunpaman, pwede rin namang totoo ang sinasabi ng Pangulo.
Pero sakaling totoo, sabit ang Palasyo. Bakit kamo? Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), hindi pwedeng ubusin ang calamity fund sa kalagitnaan ng taon lalo pa’t sadya anilang inilalaan ang naturang pondo bilang paghahanda sa pagpasok ng tag-ulan.
Kung babalikan ang kasaysayan, minsan nang tinuligsa ng noo’y alkalde pa ng lungsod ng Davao ang administrasyo ng Pangulong kanyang pinalitan sa pwesto. Partikular niyang binakbakan ang aniya’y kawalan ng kahandaan sa pagbayo ng bagyong Yolanda.
Susmaryosep, anyare Ginoong Pangulo? Saan na napunta ang P12-bilyong pondong pantugon sa mga sinalanta ng bagyo?
Ayon sa Pangulo naubos lahat sa pagtugon ng gobyerno sa peligrong dala ng pandemya – pahayag na mistulang pag-amin ng sablay ng pamahalaan. Gayunpaman, nangako siya sa mga biktima ng bagyo. Aniya, hahanapan nila ng pondo para naman daw makatulong sa libo-libong sinalanta ng bagyo.
Ang totoo, hindi na umaasa ang marami sa kanyang pangako.
Bakit nga naman aasa sa pangako ng Pangulo? Ilang pangako na ba ang kanyang sinabi sa maraming talumpati niya sa publiko?
Isa? Dalawa? Tatlo lang ba, o higit pa sa kaya natin tandaan? Hindi pwedeng wala perang pantugon sa delubyo.
Kung nagawang mangutang ng gobyerno para sa pandemya, bakit hindi magawang manghiram ng salapi para sa mga nasalanta?
Kung nagawa ng Palasyo mag-realign ng pondo nitong nakaraang taon, bakit hindi pwedeng gawin ngayon?
Nasaan ang ipinagyayabang na sako-sakong pera ng Pangulo para sa mga kandidato?
Hindi ba pwedeng kumurot man lang ng bahagya sa salaping pangampanya sa Pebrero hanggang Mayo?
Sa puntong ito, higit na kailangan ang tunay na bayanihan – hindi ang batas na binansagan lang sa ganitong pangalan. Angkop sa gitna ng kawalan ay ang sama-samang pagtutulungang walang kinikilalang estado sa buhay.
Ang pisong mula sa isang pobre, higit na malaking ang halaga kumpara sa milyong ambag ng mga negosyante’t pulitikong naglalabas ng pera hindi dahil sa gusto nila kundi dahil sa napilitan lang, o bilang paandar para sa nalalapit na halalan. Anu’t anuman, isa lang ang sigurado – babangon at muling titindig ang mga Pilipino, kesehodang naglahong parang bula ang pondo ng gobyerno.
At sa pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo, asahan na ang bwelta ng mga probinsyano.
Hintayin niyo lang ang Mayo.
