NAHALAL bilang isa sa 18 House Deputy Majority Leader si ACT-CIS party-list representative at dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo.
Pinangunahan ni House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos ang mosyon para sa posisyon ni Tulfo, Miyerkules ng gabi. Walang kumontra sa pagluklok kay Tulfo mula sa plenary floor.
Sa panayam ngayong Huwebes, sinabi ni Tulfo na itinalaga siya para sa pagpapakalat ng impormasyon sa mga nagaganap sa Kamara.
“This is for information dissemination. I came from the broadcast industry, my experience is that I have been a journalist for 20, 30 years. I will be using that to disseminate information to the public and [putting out the] stand of Congress [on various issues],” sabi ni Tulfo.
“The Speaker is a very busy person, he cannot attend to all [requests for interviews] and invitations, things like that…so, someone has to speak about what we are doing in Congress so people would know what is happening in Congress,” ayon pa rito na ang tinutukoy ay si Speaker Martin Romualdez ng Leyte.
Nakipagkita na umano si Tulfo kay Romualdez matapos maihalal bilang Deputy Majority Leader kung saan pinag-usapan ang paghabol sa mga magtatago o illegal na nag-iimbak ng produktong pang agrikultura.
Nang tanungin kung may balak itong tumakbo sa Senado sa 2025, sinabi ng bagitong mambabatas na wala pa isip niya ang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa kabila ng pagiging mataas na puwesto nito sa mga poll survey.
“Masaya na ako sa kung nasaan ako ngayon. Ipinauubaya ko na sa Panginoon ang lahat,” ayon pa kay Tulfo.
