Ginawaran ng pagkilala ang lalawigan dahil sa ipinakitang suporta sa tatlong araw na pagbabakuna.
PUMALO na sa 11 bayan ang naitalang Covid-free sa lalawigan ng Laguna ayon sa pinakahuling bulletin na inilabas ng Laguna Provincial Health Office nitong araw ng Huwebes.
Wala nang kaso ng Covid-19 sa mga bayan Alaminos, Majayjay, Lumban, Victoria, Liliw, Pangil, Mabitac, Paete, Luisiana, Rizal at Magdalena.
Mas sumadsad pa ang bilang sa 106 na aktibong kaso sa lalawigan kung saan naitala ang lungsod ng Calamba ang may 36 active cases, sunod ang San Pedro 13; Sta. Rosa,7; San Pablo, 8; Binan; 7; Cabuyao at Sta. Cruz, 5; Los Baños 4; Calauan at Pila, 2.
Habang ang bayan ng Nagcarlan, Sinoloan, Pagsanjan, Bay at Famy ay 1 na lamang.
Samantala, naitala ang kabuuang 272,000 jabs ang nabigyan ng bakuna sa nakalipas na 3-day National Vaccination Day na ginanap noong nakaraang Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1. Pinakamataas ang lalawigan ng Laguna sa buong bansa na may katumbas ng 129 porsyento ang nabakunahan kontra Covid-19.
Dahil dito, ginawaran ng pagkilala ng Department of Health, Department of Interior ang Local Government at National Task Force against Covid-19 ang lalawigan bilang no.1 o highest cumulative jab rate.
