NAGING emosyunal ang buong Dabarkads sa pangunguna ni Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon matapos kumpirmahin ng mga ito na aalis na sila sa TAPE Incorporated.
“Simula ngayong araw, May 31 2023, kami po ay magpapaalam na sa TAPE Incorporated,” sabi ni Vic.
“Karangalan po namin na kami ay nakapaghatid ng tuwa’t saya mula Batanes ang Hulo at naging bahagi ng buhay niyo,” ayon pa rito. “Maraming maraming salamat sa inyong lahat, hanggang muli, saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa,” ayon kay Vic.
Sinabi ni Tito Sotto na kumpleto ang buong Dabarkads para sa live airing ng Eat Bulaga ngunit hindi na umano sila pinayagang makaere ng bagong pamunuan ng TAPE Incorporated.
