Courtesy: House of Representatives
“NAGSAMA-SAMA po kaming mga opisyal at mga representative ng iba’t-ibang political party upang ipahayag ang aming buong pusong pagkakaisa para ipahayag ang aming suporta kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.”Ito ang pahayag ni Rep. Elizaldy Co, presidente ng Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI).
Ayon kay Co, ang samahan ang nagsilbing representante ng mga partylist congressmen at kasama ang ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), National Unity Party (NUP), Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI), Partido Navoteño, at Centrist Democratic Party of the Philippines (CDP).
Ang iba’t-ibang partio ay nagkasundo at pormal na pumirma ng kasunduan kasama ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) upang palakasin ang pulitikal na alyansa.
Ito, ayon pa kay Co, ay nagpapakita ng ng pagkakaisa ng mga mambabatas para sa isang pangkalahatang adhikain ng isang matatag na republika at ang patuloy na pag-unlad ng ating bansa. Magkakasama na nagtutulungan upang maipatupad ang mga layunin na ito sa House of Representatives.
“Ang kasunduang ito ay nagpapahiwatig ng ating walang-hanggang suporta sa Pangulo at sa kanyang mga layunin sa lehislatura. Ganap na sumusuporta rin tayo kay Speaker Romualdez sa pamumuno nito sa House of Representatives,” dagdag pa ni Co.
Naniniwala rin si Co na sa mga panahong puno ng pagsubok, ang pagkakaisa at kooperasyon ay higit na mahalaga.
“Magkakasama nating malalampasan ang mga hamon at bubuksan ang landas tungo sa mas magandang kinabukasan para sa lahat ng Pilipino,” pagtatapos ni Co.
