
ISA sa mga batas ng mga Pilipino ang Tax Code of the Philippines.
Nakasaad dito ang obligasyon ng lahat ng mga Pilipino na magbayad ng kaukulang buwis ukol sa kita sa trabaho kung nagtatrabaho sa gobyerno o pribadong kumpanya o korporasyon. Inatasan din ng Tax Code na magbayad ng tamang buwis ang mga negosyante alinsunod sa kanilang idineklarang kita sa loob ng isang taon o kwarter.
Maging ang pag-aaring lupa at bahay o gusali ng sinumang mamamayan ng Pilipinas ay babayaran ang kaukulang buwis para sa mga ito.
Nakasulat din sa Tax Code ang mga parusa kapag linabag ang anumang probisyon ng nasabing batas.
Isa sa mga parusang maaaring maging hatol ng korte ay ang pagbabawal sa taong lumabag sa Tax Code of the Philippines na magkaroon ng anumang posisyon sa pamahalaan nang habangbuhay.
Ang posisyong sinasabi ay mula sa Sangguniang Kabataan hanggang Pamahalaang Barangay hanggang pamahalaang lokal hanggang sa pagiging pangalawang pangulo at pangulo ng bansa.
Ang rasyonale rito ay hindi dapat maging bahagi ng anumang organo ng pamahalaan ang sinumang Pilipino na lumabag sa Tax Code of the Philippines dahil pagpapakita at pagpapatnay lamang na ang ginawa niyang krimen ay malinaw na imoral na gawain. Inaasahang kinikilala at ipinapatupad ng lahat ng opisyal ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan ang Tax Code of the Philippines.
Gayun din ang desisyon at hatol ng alinmang korte sa bansa laban sa sinumang Pilipino lumabag sa Tax Code of the Philippines.
Ngunit, hindi pala otomatikong kinikilala at sinusunod ng Commission on Elections (Comelec) ang Tax Code of the Philippines at ang desisyon at hatol ng korte laban sa kahit sinong kandidato. Kaialangan palang mayroong maghain ng reklamong diskuwalipikasyon o pagbasura sa inihaing certificate of candidacy (COC) ng kandidatong napatunayan ng korte nang walang pagdiududa na lumabag sa Tax Code of the Philippines ang inirereklamong kandidato.
Mula rito, magpapasya ang anumang dibisyon ng Comelec hinggil sa mga nilalaman ng reklamo laban sa ipinapadiskuwalipikang kandidato.
Kaya, kahit hinatulan ng isa sa mga sangay ng Quezon City Regional Trial Court (QC – RTC) noong 1995 na mayroong linabag na mga probisyon ng Tax Code of the Philippines si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinagtibay pa ng Court of Appeals (CA) noong 1997 ang hatol ng mababang korte na paglabag sa nasabing batas ay patuloy pa ring naghain ng kanyang kandidatura sa iba’t ibang posisyon mula noong halalang 1998 hanggang 2016 hanggang para sa eleksyong Mayo 2022.
Bagamat tinanggal ng CA ang ibang desisyon ng QC – RTC tulad ng pagkabilanggo ni Marcos Jr., malinaw pa rin na napatunayan ng CA na lumabag nga si Marcos Jr. sa ilang probisyon ng Tax Code.
Ngayong kandidato sa pagigiging pangulo si Marcos Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ay maraming indibidwak at organisasyon ang naghain ng reklamo o petisyon sa Comelec upang ibasura ng huli ang COC ng nabanggit na pulitiko makaraang matuklasan nilang “convicted” ito dahil sa paglabag sa Tax Code of the Philippines.
Inaabangan ng publiko kung ibabasura ng Comelec ang anim na reklamo laban kay Marcos Jr. o hindi.
Inaabangan din ng publiko kung kikilalanin at susundin ng Comelec ang Tax Code of the Philippines. Inaantabayanin din ng mamamayan kung kikilalanin at ipatutupad ng Comelec ang desisyon at hatol ng QC – RTC at CA alinsunod sa mga nakasaad sa Tax Code of the Philippines na mga parusa kapag nilabag ang batas na ito ng sinumang Pilipino.
Kapag makumbinsi at katigan ng Comelec ang mga taong nagreklamo laban kay Marcos Jr., nangangahulugang tapos na ang ambisyon ni Marcos Jr. na maging pangulo ng Pilipinas.
Ang huling hirit at habol ni Marcos Jr. ay sa Korte Suprema dahil pinapayagan ng batas na iapila sa pinakamataas na korte ng bansa ang desisyon ng Comelec.
