Rep. Teves
NAKAPASOK na umano si suspendidong Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves sa bansang Timor Leste upang humingi ng asylum, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong Martes.
“Anyway, one more thing is that Mr. Teves entered Timor-Leste a week ago, a week ago, trying to seek special asylum status in Timor-Leste,” ayon kay Remulla sa ambush interview.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio.
Ayon sa Immigration Service of Timor Leste, ginagarantiyahan ng Democratic Republic of Timor-Leste ang karapatang magpataw ng asylum sa mga dayuhan.
Nagbibigay din umano ang bansa ng asylum sa mga taong nangangambang mapatawan ng kaso at nangangamba sa kanilang kaligtasan.
Gayunman, sinabi ni Remulla na wala silang nakikitang rasong politikal sa suspendidong mambabatas para humingi ng asylum sa Timor-Leste.
“But we don’t see any political reason for him to seek asylum in Timor-Leste. It’s really for not wanting to face the consequences of certain actions by which he’s being held to account for,” sabi ni Remulla.
Si Teves, ayon kay Remulla, ay itinuturing na mastermind sa brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Hindi pa bumabalik ng bansa si Teves dahil umano sa pangambang may mangyaring masama sa kanyang buhay.
Nauna nang sinabi ni Remulla na pabalik-balik lamang si Teves sa pagitan ng South Korea at Cambodia.
Sinabi ni Remulla na ang mga kilos ni Teves ay ipinaaabot sa kanila ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon din kay Remulla, sumulat ang mga opisyal sa DFA upang iparating sa Ambassador ng Timor-Leste ang sitwasyon ni Teves sa bansa.
“We have written a letter telling Timor-Leste that he’s a person of interest in murder cases and he’s being considered for designation as a terrorist by the country,” ayon pa kay Remulla.
“And giving a fair warning about a person asking for asylum, may not necessarily be a good candidate for that,” dagdag pa ni Remulla.
