Courtesy: OWWA
DUMATING na sa bansa ang mga labi ng apat na overseas Filipino workers na namatay sa nasunog na pabrika sa Taiwan, Linggo na umaga.
Ang mga labi ay inilabas ng cargo center sa Paranaque City, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nagpaabot na ng pakikiramay ang mga opisyal at tauhan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) at OWWA sa mga kaanak na kumaha sa mga labi.
Isinaayos na rin ng mga ahensiya upang maiuwi na sa kani-kanilang probinsiya ang mga OFWs sa tulong ng OWWA regional offices.
Nasawi ang mga biktima nang ma-trap sa nasusunod na pabrika ng Lian-Hwa Foods Corporation sa Changhua county sa central Taiwan noong April 25.
Kinilala ni MECO chair Silvestre Bello III ang mga nasawi na sina Renato Larua, 30, ng Cavite; Nancy Revilla, ng Marinduque; at Aroma Miranda, ng Tarlac. Ang ikaapat na biktima, ayon sa MECO, ay kinilalang si Maricris Fernando, ng La Union.
Apat pa ang iniulat na sugatan sa insidente.
Tiniyak naman ni Bello ang kaanak ng mga biktima na magbibigay ng tulong ang Pilipinas at gobyerno ng Taiwan.
