Sinisikap bigyan ng first aid ng mga nagresponde ang isa sa mga biktima ng sunog.
PATAY ang tatlong Pinoy sa nasunog na food factory sa Taiwan samantalang limang iba pa ang sugatan ayon sa report ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Silvestre Bello III.
Kinilala ni Bello ang mga nasawi na sina Renato Larua, 30, ng Cavite; Nancy Revilla ng Marinduque; at Aroma Miranda, ng Tarlac.
Natuklasan naman ang 10 katao na nagtago sa isang frozen warehouse matapos ang sunog.
Naipaalam na umano sa pamilya ng mga biktima ang nangyaring trahedya.
Umaga ng bandang alas-6:00 nitong Martes naganap ang sunog sa ikalawang palapag ng ng Lian-Hwa Foods Corporation sa Changhua county sa central Taiwan.
“My heart goes out to them in their hour of extreme sorrow,” sabi ni Bello sa kaniyang pakikidalamhati sa pamilya ng mga biktima.
Tiniyak ng MECO ang tulong na ibibigay ng pamahalaan ng Pilipinas at Taiwan para sa pamilya ng mga biktima.
“We are in close coordination with police authorities regarding the incident and investigation, and the swift repatriation of the remains of those who died,” he said.
Samantala, ang mga nasugatang Pinoy ay sina Sheila May Abas, Jessie Boy Samson, Maricris Fernando, Rodel Uttao at Santiago Suba Jr., na pawang dinala sa ospital.
Ayon kay Bello, maliban kay Fernando na nasa intensive care unit (ICU), maayos at “stable” ang kalagayan ng mga nasugatan.
“They are still under observation in different hospitals. They suffered severe carbon monoxide poisoning and are currently undergoing hyperbaric oxygen therapy,” paliwanag ni Bello, bumisita sa mga Pinoy sa ospital.
“As of presstime and per attending nurse. [the] feedback is four of them are already conscious, stable and recovering well. On the other hand, there is still concern regarding the condition of OFW Fernando since she is still in ICU and has not yet regained consciousness. During our visit yesterday, she is undergoing dialysis,” dagdag ng opisyal.
