PINATAWAN ng 60-araw na suspensiyon si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves dahil sa patuloy nitong hindi paglutang sa Kamara.
Umabot sa 292 mambabatas ang pumabor sa report ng House Committee on Ethics and Privileges sa patuloy nitong pambabalewala sa kautusan ng Kamara na umuwi ng bansa para harapin ang kasong isinasangkot sa kanya, kabilang ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Nawalan na rin ng bisa ang travel authority nito noong Marso 9. Nasa Amerika ngayon ang mambabatas at nagpapagamot sa sakit.
Gayunman, patuloy itong nagmamatigas na bumalik sa bansa dahil sa sinasabi nitong banta sa kanyang buhay.
Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr at House Speaker Martin Romualdez ang nag-utos at nakiusap pa na bumalik na ng bansa si Teves upang matigil na ang mga ispekulasyon na bumabalot sa kanyang pagkakasangkot sa asasinasyon ni Degamo.
Wala rin umanong mambabatas ang kumontra sa desisyon ng komite.
Ang panel Committee Report No. 472 ay isinumite sa House Committee on Rules Martes ng hapon at tinalakay lamang ngayong Miyerkoles sa House plenary.
Sinabi ni Committee chair at COOP-NATCCO Party-list Rep. Felimon Espares na nagkasundo ang panel at nagdesisyon ngunit hindi muna inihayag kung ano ito hanggat hindi naibibigay sa House committee on Rules at sa plenary.
Nagdesisyon ang komite sa kabila nang hindi pagdinig sa panig ni Teves matapos tanggihan sa Kamara ang hiling nitong video conference. Patuloy na iginigiit ni Teves na matindi ang banta sa kanyang buhay.
Itinanggi ni Teves ang kaugnayan niya sa krimen laban kay Degamo.
