SIMULA ngayong Sabado ay pinayagan na ang pangingisda sa Calapan, Oriental Mindoro sa harap ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Sinabi ni Calapan City Administrator Atty. Raymund Ussam na pinahintulutan na ang pangigngisda matapos tiyakin ng mga eksperto na walang indikasyon na apektado ang mga isda sa oil spill.
“Hindi pa naman mapanganib kaya wala pang basehan na-ideclare ang ban ng fishing sa Calapan kaya after a day ni-lift natin ang advisory. Sa ngayon po, pinapayagan muna natin ulit na maglayag ang mangingisda,” ayon kay Ussam.
Gayunman, bawal pa rin ang lumangoy sa baybayin ng Barangay Navotas, Maidlang, and Silonay.
Tiniyak din ni Ussam na magpapatuloy ang pagbibigay ng emergency assistance sa mga apektadong mangingisda at residente sa Calapan City.
“Nagro-rollout pa rin tayo ng emergency assistance kasi alam niyo po, bagaman walang ban sa fishing activities ngayon, siyempre may takot po ang mga consumers doon sa mga produktong dagat natin, sabi pa ni Ussam.
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nasa 20,540 pamilya at 10 bayan ang apektado ng oil spill.
“Ang aming focus pa rin doon sa Pola, which right now sampu na lang iyong area na iyong barangays na in particular na aming tinutugunan ng aming shoreline cleanup operations namin,” ayon naman kay Commodore Geronimo Tuvilla, commander ng incident team Oriental Mindoro.
