MAHIGPIT na ipinatupad ang manhunt operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa holdaper na riding in tandem na pumatay sa isang turista habang kasama ang Pinay na nobya sa Makati City.
Isang tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ng 34-anyos na si Nicholas Peter Stacey.
Linggo ng madaling araw ay naglalakad umano ang biktima kasama ang nobya sa Barangay Palanan nang hintuan ng lalaking lulan ng motorsiklo. Nang magpahayag ng holdap ay tinangkang manlaban ng biktima. Pinaputukan siya ng suspect at tinamaan sa dibdib.
Natangay ng mga nakatakas na salarin na patungo sa direksyon ng Pasay City ang cellphone at wallet ng biktima.
Iniutos na ni NCRPO chief General Jonnel Estomo sa Makati City Police Station na imbestigahan ang nangyari at kaagad na dakpin ang mga salarin.
Nais din niyang paigtingin ang police visibility sa nasabing lugar upang maiwasan na mangyari muli ang naturang uri ng krimen.
“Alam nating ang insidenteng ito ay maaaring magdulot at magdala ng takot sa ibang mga turistang pupunta sa ating bansa kung kaya’t sisiguraduhin nating mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nasabing biktima,” ayon sa opisyal.
