CALAMBA City, Laguna -Tinatayang tatlong milyong residente ang target na mabakunahan ng Department of Health Calabarzon sa 3-day National vaccination days na magsisimula ngayon hanggang Miyerkules (Nobyembre 29-Disyembre 1).
Nakahanda na ang vaccination teams na magpo-focus sa mga lugar na may mga mabababang vaccination coverage na target na makapagbakuna ng 1 milyon kada araw.
Ayon kay DOH-CALABARZON Regional Director Ariel Valencia, kabilang ang GIDA o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas na mapuntahan ang mga island community para personal na ma-assess at matingnan ang mga kinakailangang tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa COVID-19 at ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng mga residente. Sinabi pa ni Valencia, ligtas ang lahat ng brand ng bakuna kaya’t iwasan na ang mamili pa ng kung anong brand ng vaccine “huwag na po tayong mamili pa ng brand ng vaccine dahil lahat ng ito ay ligtas gamitin. These vaccines will protect you and your family and I encourage you to proceed to your nearest vaccination centers during the 3-day vaccination day and get vaccinated, Let us do our part in helping eliminate covid-19.”
Makikipagtulungan din ang mga local government unit (LGUs) na may 174 na grupo ng mga bakunador kaya’t hinihikayat nito ang lahat na makiisa at lumahok sa tatlong araw na bakunahan na sabayang gaganapin sa buong bansa. Ang mga brand ng vaccine na gagamitin ay Sinovac, Moderna, Gamaleya, Sputnik V, Pfizer at Astrazeneca.
Kabilang sa target na mabakunahan ay ang mga nasa Calabarzon: ang Batangas (596, 193 residente), Cavite (722, 217) Laguna (604,698) Quezon ( 396,732), Rizal (616,581) at Lucena city ( 63,579). Makakatuwang ng DOH CALABARZON ang iba pang regional agencies kabilang na ang DILG, PNP, BJMP, BFP, OCD, DOLE (for ecozones) at DEPED. May karagdagang volunteers din na ide-deploy sa iba’t ibang vaccination site mula sa mga NCR hospitals at DOH Central office kabilang ang mga regional staffs.
