PATAY ang isang lalaking nagdala ng granada sa isang inuman at nang malasing at maging emosyunal ay biglang pinasabog ang granada sa loob ng bahay sa Barangay Pembo, Makati City pasado alas-10 ng Sabado.
Sa report, sinabi ni Makati Chief of Police Police Col. Edward Cutiyog na nag-iinuman umano ang magkakaibigan sa isang bahay sa Makati nang bigla umanong maging emosyunal ang lalaki dahil sa relasyon nilang mag-asawa.
Dito ay naglabas ng dala-dalang granada ang lalaki at ipinatong sa mesa habang nag-iinuman.
“Nung umiinit na ‘yung inuman, napansin nitong witness natin, nagagalit na. Nakainom na ‘yung victim. Pero natakot ito kasi nakita na may hawak-hawak itong granada,” ani ni Cutiyog.
Maya-maya pa’y nakarinig ng malakas na pagsabog ang mga residente ng lugar.
Kwento ng kapitbahay ng biktima na si Avelina Dulay, natutulog na siya nang biglang yumanig ang kanyang bahay.
“Nung biglang sumabog, tumalikwas ako, mausok pero naghihiyawan na sila rito. Sabi ko nga baka sunog na ‘yun kasi mausok, kaya lumabas na ako. Hindi ko na inisip kung anong kukunin ko,” ani Dulay.
Narekober ng Makati EOD at Makati Forensic Unit sa insidente ang pira-pirasong metal fragments na pinaniniwalaang parte ng hindi pa alam na klase ng granada.
Idineklara namang dead on arrival sa ospital ang biktima na may hawak ng granada habang sugatan ang dalawa niyang kasama at kritikal naman ang dalawa pa.
Wala namang naapektuhan na iba pang bahay at residente ng lugar.
Iniimbestigahan pa ngayon ng pulisya kung saan galing ang naturang granada.
