Ang nakahandusay na katawan ng biktima matapos barilin sa mukha.
SA labas lang ng kanyang bahay inabangan ng hindi pa kilalang gunman saka pinagbabaril hanggang mamatay ang isang engineer at driver niyang pamangkin sa Lemery, Batangas.
Namatay noon din ang engineer na si Frederick Casalme, 46 at ang pamangkin na si Kingjay.
Ayon sa report, sakay ng SUV ang mga biktima at nang papasok na sa kanilang bahay sa Barangay Mayasang ay biglang sumulpot ang gunman at pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Tama ng bala sa mukha ang ikinasawi ni Frederick habang sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tama ng kaniyang pamangkin.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspect.
Ayon kay Police Major Gerry Abalos, hepe ng Lemery Police Station, isang project engineer si Frederick at nangongontrata ng mga government projects sa Batangas.
Ayon pa sa ilang residente, mabait ang biktima at ipinamimigay din umano nito ang mga nakukuhang kontrata sa proyekto sa ilang mga kaibigan sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.
