TAYTAY, Rizal — Matapos ang halos dalawang taong paghihintay, pwede nang muli ang contact sports sa bayang higit na kilala bilang Garments Capital ng bansa.
Sa isang kalatas na nilagdaan ni Taytay Mayor Joric Gacula, pinapayagan nang muli ng lokal na pamahalaan ang paggamit n pagsasagawa ng mga paglalaro at paggamit ng mga sports facilities tulad ng basketball.
Aniya, alinsunod ito sa mga panuntunang kalakip ng Alert Level System na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Inilagay na sa mas maluwag na Alert Level 2 ang Taytay at iba pang lokalidad na sakop ng Rizal.
Gayunpaman, kailangan pa rin sundin ang Executive Order No. 166 na ipinapatupad ng Taytay LGU para sa mas ligtas na pagbabalik ng sports at physical activities.
Ipinaalala rin ng alkalde na tanging mga fully vaccinated na mamamayan lamang ang papayagang pumasok o makilahok sa aktibidad upang masigurong ang kaligtasan ng publiko.
Dapat din aniyang tiyaking rehistrado sa Taytay Trail ang mga papasok sa sports venues na hanggang 70 porsiyento lang ang maximum capacity para sa outdoor venue habang 50 porsiyento naman ang maaaring papasukan sa mga indoor venues.
Para naman sa mga sports organizer, atas ng EO 166 ang kaakibat na pahintulot mula sa pamahalaang lokal para sa angkop na kaalaman sa mga pwede at hindi pinapayagang aktibidades sa larangan ng palakasan. Pangangasiwaan ng barangay chairman ang lahat ng isasagawang aktibidad sa mga lugar na sakop ng kanilang hurisdiksyon at maaaring ipatigil ang mga ito sa oras na makitang mayroong paglabag sa health and safety protocols.
