Ang gumuhong bubungan ng kabubukas na food park. Nasa 12 katao ang sugatan at isinugod sa pagamutan.
ILANG oras pa lamang nagbubukas, ipinasara ng local government ng Lapu-Lapu City ang isang food park matapos na gumuho ang steel beam nito na ikinasugat ng 12 katao.
Ayon sa Lapu-lapu City Police Office kinailangan itakbo sa pagamutan ang 12 katao nang gumuho ang gitnang bahagi ng food park na gawa sa bakal at polycarbonate na sinasabing dahil sa malakas na pag ulan.
Nabatid na bigla na lamang bumagsak ang bubungan ng nasabing food park na nasa Barangay Maribago ng nabangit na siyudad ilang minuto matapos na makaalis ang kanilang city mayor na naging panauhing pandangal sa opening night.
“They sustained head contusions, minor bruises and abrasions in their arms and neck part of their bodies,” sa ulat naman ng Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction Management Office chief Nagiel Bañacia.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na depektibo ang structural design ng bubungan ng nasabing food park . Ayon kay Bañacia posibleng may depekto sa disenyo ng bubungan subalit kailangan pa itong suriing mabuti.
Ayon sa saksi, posibleng dahil sa bigat ng naipon na tubig ulan sa ibabaw ng bubungan kaya bumagksak ang plastic sheet roofs.
May pumuna naman na diretso ang pagkakagawa ng bubuong kaya posibleng lumundo ito nang mapuno ng tubig ulan.
Agad naman umanong babawiin ang closure order matapos ang ginagawang pagsisiyasat ng Office of the Building Official at City Business Processing and Licensing Office at maayos ang depekto mula sa bumagsak na bahagi ng bubungan.
