ARESTADO ang lalaking pumatay sa online seller sa Cavite dahil sa umano’y tutol sa relasyon ng kapatid na babae.
Sinabi ni Police Colonel Christopher Olazo, Cavite police chief, inaresto ang suspect na si Gemmenel Tating, 27, sa follow-up operation sa Barangay Inocencio,Trece Martirez City.
Ayon sa police report, binaril at napatay ni Tating si Ronan Clyde Angeles, 28.
Dalawang tama ng bala sa ulo ang pinakawalan nito habang pababa ng tricycle ang biktima sa Barangay Bagtas noong Martes ng alas 10:30 ng gabi.
Isang concerned citizen ang nagreport sa pulisya nang mamataan ang suspect sa lugar.
Nabatid pa na ang suspect ay kapatid ng babaeng karelasyon ng biktima.
“Tutol sila sa relasyon ng biktima at ng GF na kapatid ng suspect,” sabi ng pulisya.
Nakakulong na ang suspect sa Tanza police jail at kasong kriminal ang kakaharapin nito.
