Ang new mommy na si Melanie Soriano na nagsilang ng kanyang panganay sa Dr. Jose Fabella Hospital sa Maynila.
DALAWANG malulusog na baby girl ang isinilang sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Alas-12 ng hatinggabi impunto isinilang ni Mellany Soriano ang kanyang New Year baby na si Natalie Merey.
Dalawang minuto lang ang nakalipas, iniluwal naman ni Jennilyn Musca ang kanyang baby girl na si Ashley.
Kuwento ni Soriano, nahirapan siya sa panganganak pero napawi ang kaniyang paghihirap nang makita ang sanggol.
Hindi naman inasahan ni Musca na hahabol sa Bagong Taon ang pagsilang sa ikatlo niyang anak dahil sa ika-10 pa ng Enero pa ang kaniyang due date.
Ayon sa pamunuan ng Fabella Hospital, bumaba ang bilang ng mga New Year baby sa pagsalubong sa 2023 kumpara sa mga nagdaang taon.
At dahil patuloy ang pandemya, ipinapatupad pa rin ng ospital ang minimum health and safety protocols at hindi rin nagpapapasok ng ibang bisita sa loob ng compound.
Kaya naman sa labas nakaabang ang mga ama ng New Year babies na ikinagulat ang magandang balita.
Para sa kanila, ang pagsilang sa kanilang mga anak ay simbolo ng bagong simula at bagong pag-asa.
