SINABI ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ngayong Miyerkoles na posibleng ang “Cinderella Man” story ng pinaslang na broadcaster na si Percy Lapid ang pumikon sa sinasabing utak na si suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at iutos ang pagpaslang dito.
Sa panayam, idinetalye ni Remulla kung paanong hindi dumalo si Bantag sa September 9 graduation ceremony ng University of Perpetual Help sa New Bilibid Prison.
Ito rin umano ang araw na nagtungo si Lapid sa bahay ni Bantag para umano ilantad ang yaman at ari-arian nito.
“Gumagawa siya ng storya, yung Cinderella Man, yung kanyang video, yun iyon eh. Lumabas yung Cinderalla Man, September 15. September 9 nung pumunta sa bahay niya, para kumuha ng pictures sa village, tapos September 17, nagsimula na yung plots,” ayon pa kay Remulla.
Inilabas ang Cinderalla Man ni Lapid noong September 2022.
Sinabi ni Remulla na galit na galid si Bantag nang malaman na kinuhanan ng litrato ni Lapid ang bahay ni Bantag.
Ayon pa kay Remulla, mahalaga ang graduation at dapat ay naroon si Bantag. “Yung kanyang hindi pagbalik doon is a sign also na he was very mad, he was very livid about it,” Remulla stated.
Nasa bansa pa
Sinabi ni Remulla na nasa bansa pa si Bantag dahil bilang public official, kailangan nito ng mga kaukulang permiso bago makalabas ng bansa.
