Si Pangulong Bongbong Marcos kasama ang staff ng Dawang's Eatery sa Laoag. Mahigpit na pinabulaanan ng Palasyo ang paratang nasa nasa Japan ang Pangulo sa kasagsagan ng bagyong Paeng sa bansa.
MAHIGPIT na itinanggi ni Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil ang paratang na wala sa bansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kundi nasa Japan habang binabayo ng bagyong Paeng ang halos buong bansa.
Nilinaw ni Garafil ang usap-usapan at sinasabing nasa Ilocos Norte ang Pangulo.
“Wala po sya sa Japan,” sabi ni Garafil.
Naglabas pa ng larawan na nasa isang kainan (Dawang’s Eatery) ang Pangulo para pabulaanan ang akusasyon.
Nitong Sabado ay pinangunahan ng Pangulo ang full council meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang talakayin ang response and relief operations.
Sa naturang meeting ay inirekomenda ni NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer ang deklarasyon sa national state of calamity sa bansa sa loob ng isang taon o hanggang ipawalang bisa ito.
Ito ay nangangahulugan ng pagbibigay ng gobyerno ng dagdag na pondo at pag-utos ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Marcos na hihintayin at pag-aaralan ang isusumiteng resolusyon dahil may mga lugar umano’y hindi ganun katindi ang inabot na pinsala. “Maraming regions are affected, that already justifies the state of calamity. Let me wait for your resolution and tignan ko. It looks like especially Region 5, BARMM is going to be put under a state of calamity, kahit yun lang muna,” ayon kay Marcos.
