NAGTUNGO si Ka Leody de Guzman, kandidato sa pagkapangulo ng Partido Lakas ng Masa, sa harap ng Manila Film Center kahapon para gunitain ang mga biktima ng trahedya na ikinamatay ng mahigit 169 manggagawa.
Kahapon ang ika-40 anibersaryo ng trahedya. Naganap ang aksidente bandang alas-tres ng madaling araw noong Nobyembre 17, 1981. Nagkolaps ang scaffolding. Nalaglag ang mga manggagawa at inilibing sila sa quick-drying na semento.
Hindi nabigyan ng agarang lunas ang mga biktima dahil sa ipinataw ng seguridad sa lugar. Lumipas ang siyam na oras bago pinapasok ang mga rescuer at mga ambulansya sa pinangyarihan ng aksidente.
Sa kanyang Twitter account, sabi ni Ka Leody: “Ang lahat ng pinagmamalaking imprastraktura ng ‘golden age’ ng pamilyang Marcos ay nakapundar sa sama-samang pagod, sakripisyo at buhay ng manggagawang Pilipino. Hustisya para sa mga manggagawang biktima ng Manila Film Center tragedy! Hustisya para sa manggagawang Pilipino!”
Sinamahan si Ka Leody ng mga kanyang mga supporter na nag-alay ng mga bulaklak na may mensaheng “Never Again”.
Ani De Guzman, “Sa Manila Film Center tragedy, makikita ang pagturing ng diktadurang Marcos sa mga manggagawa. Hindi tao kundi bagay. Ordinaryong kasangkapan para makuha ang kanilang mga kapritso. Minamadali ang paggawa ng gusaling ito para ilunsad ang First Manila International Film Festival. Nagpapasikat ang pamilya Marcos sa pandaigdigang komunidad na kumekwestyon pa rin sa kanilang diktadura matapos ang lifting ng Martial Law noong 1981”.
