SA kabila ng kawalan ng renewal ng lisensiya mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng Lucent Gaming and Entertainment OPC na nagpapatakbo ng Small Town Lottery ay patuloy pa rin itong nakakapag-operate sa Quezon City.
Batay sa reklamo ni Melchor Guingab, Administrative Officer-QC Cares ipinarating kay Melquiades Robles, kasalukuyang General Manager ng PCSO na may petsang Setyembre 3, 2022 nabatid na ang Lucent Gaming and Entertainment OPC ay pag-aari ni Ronald Pagulayan na kamag-anak umano ng dating general manager ng PCSO na si Royina Garma.
Ayon pa sa reklamo ni Guingab, isang basehan na may paglabag sa batas ang pagbibigay ng lisensiya ng PCSO ng STL kay Pagulayan dahil kamag-anak nito si Garma.
Ang sinumang opisyal o director ng PCSO ay hindi maaaring payagan na makapag-operate at bigyan ng lisensiya ng STL dahil sa pagkakaroon nito ng “conflict of interest”.
Bukod dito, may mga isyu rin sa pagbabayad tulad ng pagkaantala at hindi pagbabayad ng tama at tumpak araw-araw remittances ng kumpanya bilang nakalagay sa sinumpaang salaysay (sworn statement) ng nagrereklamo. Isang Procerfina Terrie ang kinontrata ni Pagulayan na humawak ng STL sa Quezon City sa ilalim ng kanyang anak na si Richelle Rose Labrusa ang nakipag-MOA bilang sub-contractor ng Lucent Gaming and Entertainment OPC.
Subalit napag-alaman na si Procerfina Terrie ay blacklisted at bawal na humawak ng negosyo mula sa PCSO. Bukod dito, sa inilabas na Memorandum Circular No. 3 ni Executive Secretary Vic Rodriguez ,”amending supplementing memorandum circular no. 1, series of 2022 by extending the term of office of government officials and employees covered therein and fixing the rules therefore, and prohibiting new contracts and disbursement of extraordinary funds”.
Naging epektibo ang nasabing Memo Circular No. 3 tanghali noong Hunyo 30, 2022 na deklarado na bakante ang mga posisyon sa Executive Department at ibinigay paraan ng pagtugon sa mga resultang bakante.
Nakapaloob pa sa nasabing memo na ang itinalagang Officer-in-Charge (OICs) ng department offices, agencies at bureaus, pati na rin ang non-Career Executive Officials (non-CESO) na nakaukupa sa Career Executive Service (CES) positions ay, “in hold-over capacities and affected contractual or casual employees were directed to perform the duties and discharge their responsabilities until 31 July or until a replacement has been appointed or designated, whichever comes first”. Pagkatapos ng Hunyo 30, ay walang naganap na renewal sa lisensiya ng Lucent Gaming and Entertainment OPC na pag-aari ni Pagulayan, subalit patuloy pa rin silang nag-o-operate sa Quezon City. Dahil dito, lumalabas na ang operasyon ng STL ng Lucent Gaming and Entertainment OPC sa nasabing lungsod ay illegal.
Kaugnay nito, dakong alas-7:40 ng gabi noong Setyembre 6, 2022 ay nakatanggap ng impormasyon ang Anonas Police Station (PS-9) na laganap ang illegal gambling “EZ Bookies” sa may Krus na Ligas, Quezon City.
Dahil dito, agad nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng nasabing police station sa nabanggit na lugar na kung saan apat katao ang naaresto. Samantala, isang nagngangalang Christian ang lumutang sa istasyon ng pulisya at ipinakita nito ang renewal ng lisensiya ng STL ng Lucent Gaming and Entertainment OPC na pirmado ng nagngangalang Atty. Patiag.
Ang nasabing renewal ng lisensiya ay wala na umanong bisa na pirmado ng isang nagngangalang Atty. Patiag dahil bago na ang pamunuan ng PCSO.
