
KARUMAL-DUMAL na kamatayan ang sinapit ng isang 67-anyos na nanay dahil mismong anak ang pumatay dito, isinilid sa kahon at itinapon sa Bulacan.
Ayon sa ulat, anim na araw nang nawawala ang biktimang si Maria Estrella-Villaestique bago matunton sa madamong bahagi ng Baragay Matictic sa Norzagaray town.
Sa interogasyon, inamin ng anak na si Raymund, 28, ang pagkamatay ng kanyang ina. Sinabi nito na ilang ulit niyang pinalo sa ulo ang biktima.
Nang makitang wala nang buhay, nagpasiya ang suspect na isilid ang bangkay ng ina sa kahon.
Nakita pa sa CCTV na hila-hila nito ang kahon palabas ng kanilang bahay sa Pasig City.
Haharap sa kasong parricide ang suspect.
Itinuro ng anak ang pinagtapunan sa bangkay ng ina kung saan ibinalot ito ng dalawang kumot, plastic bag at gift wrapper.
Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina matapos malamang ng biktima na na-scam ang kanyang anak at nawala ang sasakyan na ginagamit sa transport network vehicle service.
Mula umano noon ay halos araw-araw nang pinagagalitan ng biktima ang kanyang anak hanggang magtanim ito ng sama ng loob na humantong sa pagpatay sa ina.