PATAY ang hinihinalang miyembro ng mga komunistang New People’s army (NPA) ng mga tauhan ng Philippine Army sa isang umano’y engkwentro sa Bayugan City, Agusan del Sur.
Sa ulat ni Army commanding officer Lieutenant General Andres Centino, patay sa sagupaan sina alyas Ka Joseph at Ka Aykay na miyembro umano ng NPA sa nasabing lugar.
Gayunpaman, bigo ang mga sundalong madakip ang target ng nasabing operasyon – sina Edilberto Dabal alyas Bong/ Waco na tumatayong pinuno ng Regional Operations Command ng NPA at isang Judel Vertudazo alyas Janjalani na siyang humahawak sa Regional Sentro de Grabidad (RSDG) na bahagi naman ng Northeastern Regional Committee (NEMRC).
Bandang alas 12:30 ng tanghali nang masabat umano ng mga military ang hindi bababa sa 40 miyembro ng NPA sa Barangay Villa Undayon ng nasabing bayan. Tumagal umano ng 45 minuto ang sagupaan bago pa nagpasyang tumakas ang mga rebelde.
Narekober din mula sa pinangyarihan ang mga mahahabang armas na ginamit ng mga napaslang na komunista, mga bala, pampasabog, hand-held radio at cellphones.
Samantala, arestado naman sa bayan ng Monreal sa lalawigan ng Masbate ang isang kilabot na miyembro ng NPA na wanted sa batas kaugnay ng mga mandamyento de aresto kaugnay ng kasong murder at multiple attempted murder.
Kinilala ang naaresto bilang Nonilon Bartolay alyas Wango.