MANANATILI sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang actor/TV host Vhong Navarro matapos maglabas ng isa pang arrest warrant ang Taguig court, sa pagkakataong ito sa kasong rape na isinampa ng model na si Deniece Cornejo.
Walang piyansang inirekomenda sa pansamantalang paglaya ng aktor.
Sa petsang Sept. 19, iniutos ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 sa awtoridad ang pag-aresto kay Navarro.
“Not bailable for rape (under Article 266-A (1) of the RPC [Revised Penal Code] as amended by R.A. 8353,” the warrant of arrest issued by Judge Loralie Cruz Datahan read, ayon sa kopya na inilabas ng ABS-CBN News.
Kinumpirma ito ni Taguig police chief Col. Robert Baesa at sinabing nakatanggap sila ng kopya ng warrant of arrest sa kasong rape laban kay Navarro.
Si Navarro ay nahaharap sa dalawang kaso sa Taguig court sa kasong rape at acts of lasciviousness. Kapwa ang kampo ni Cornejo ang nagsampa nito sa korte.
Noong Sept 15 ay nag-isyu rin ang Taguig Metropolitan Trial Court Branch 116 ng warrant of arrest laban sa aktor at may piyansang P36,000.
Nagtungo ang kampo ng aktor sa National Bureau of Investigation upang sumuko ngunit noong hapon ay naglabas naman ang ikalawang korte ng isa pang arrest warrant dahilan para hindi makalabas ang aktor.