SINABI ng Department of Health na tanging 0.03% lamang ng P7.4 bilyong halaga ng gamot at iba pang inventory items ang sinabing expired at hindi naipamahagi, ayon sa state auditors.
Nilinaw ng DOH sa Commission on Audit (COA) ang balitang malaking bahagi ng gamot sa kagawaran ang nasayang.
Sa 2022 annual audit report, sinabi na ang mga gamot at iba pang uri na nagkakahalaga umano ng mahigit sa pitong bilyon ang maitatapon, malapit nang mapaso, nasira o mga hindi na naipamahagi pa.
Nabatid din na P2.3 milyon ang paso, P203.6 milyon ang overstocked, P5 bilyon ang mabagal ang pamamahagi habang P1.5 bilyon naman ang hindi naipamahagi.
“Nilinaw ng DOH na tanging 0.03 porsiyento lamang ang expired habang 1.16% ang malapit nang mapaso,” sabi ng kagawaran sa inilabas na statement.
Sa mga napasong bakuna, sinabi ng ahensiya na karamihan sa mga ito ay nasa DOH hospitals at hindi umano naipapamahagi dahil sa kaunti lamang ang mga pasyenteng nagtutungo sa mga ospital dahil sa takot sa Covid-19.